Arestado ang isang negosyante matapos umanong masamsaman ng iligal na droga sa isinagawang search operation ng mga otoridad sa barangay San fermin, Cauayan City noong February 24, 2022.
Ang suspek ay si Alyas Alex, 42 anyos, may asawa, at residente sa nabanggit na barangay.
Batay sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station ang ikinasa ang naturang operasyon ng mga kasapi ng naturang himpilan sa pangunguna ni PMAJ Grandeur Tangonan, DCOP/ Intel Officer sa ilalim ng superbisyon ni PLTCOL Sherwin Cuntapay, COP ng PNP Cauayan; Provincial Intelligence Unit ng Isabela PPO, 2nd IPMFC at sa koordinasyon sa PDEA RO2.
Nakuha ang isang kulay asul na ballpen box na naglalaman ng 6 na piraso ng heat sealed plastic sachet nang hinihinalang shabu, anim na aluminum foil at lighter.
Ayon sa imbestigador ng PNP Cauayan mayroon pang resistance sa suspek nang aarestuhin na ng kapulisan.
Tinangka rin umano niyang tumakas habang nasa loob ng lock-up cell ng PNP nang buksan ang pintuan para ibigay ang ipinadalang gamit sa kaniya subalit nahuli rin ng nagbabantay na pulis.
Napag-alaman din sa imbestigador na mayroon na umanong record o history na sumailalim na rin sa rehabilitation ang suspek.