NEDA, biznez, pinuri ang pagpapahintulot sa 100% foreign ownership ng telcos, railways

Pinuri ng National Economic and Development Authority at ng local businesses ang pagpasa sa batas na magpapahintulot sa 100% ownership ng mga dayuhan sa ilang public services sa bansa.

Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na ang pagpapahintulot sa foreign players na magmay-ari ng 100% ng public services ay makabubuti sa pagpapaigting ng kompetisyon at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Dagdag ni Chua, ang naturang reporma ay makatutulong para magpasok ng mas maraming foreign investments at mapabuti ang mga serbisyo sa bansa, lalo na sa mga larangan ng transportasyon at telecommunications kung saan ay napag-iiwanan na ang bansa.

Matatandaan na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amendments sa Public Service Act, kung saan ay nire-reclassify nito ang telecommunications, railways, airlines, at logistical facilities bilang public services mula sa dati nitong classification na public utilities.