Naghahanda ang National Bureau of Investigation (NBI) na i-subpoena ang tech editor ng Manila Bulletin na si Art Samaniego Jr.
Ito’y kaugnay ng koneksyon ni Samaniego sa ‘di umano’y pangha-hack sa mga websites ng Gobyerno.
Sa isang panayam, sinabi ni NBI deputy spokepseron Sean Michael Dangilan na ang pagpapatawag kay Samaniego ay batay sa naging pahayag ng tatlong mga suspects.
Hinimok naman ni Dangilan si Samaniego na humarap na sa NBI para madepensahan ang kaniyang sarili.
Sa hiwalay na panayam, tiniyak ni NBI director Jaime Santiago na daraan sa tamang due process ang imbestigasyon kay Samaniego.
Aniya, nalulungkot siya kung totoo man ang mga alegasyon dahil isang media person ang inaakusahan.
Bago ito – una nang itinanggi ni Samaniego sa panayam ng Brigada NewsFM Manila ang mga akusasyon ng suspek laban sa kaniya.
Aniya – matagal na siyang ka-partner ng Gobyerno para sa mga konsultasyon hinggil sa kanilang cyberscurity.
May official statement na rin ang Manila Bulletin kung saan ay tiniyak nila ang patuloy na pagsunod nila sa batas. (with reports from Jhaldea Rulona – Brigada News Intern)