Hustisya at katotohanan ang hiling ngayon ng pamilya ni Reyna Jane Ancheta, isang Pinay nurse na nasawi sa Abu Dhabi matapos umanong maaksidente.
Si Reyna ay nagtatrabaho sa Al Raiaa Home Health Care.
Ayon sa kanyang asawa na si Kenneth, tatlong araw niyang hindi nakontak ang kaniyang asawa mula noong October 6 kaya nakipag-ugnayan na siya sa agency at mga kaibigan nito sa Abu Dhabi.
October 8, nang makatanggap umano siya ng impormasyon mula sa agency na nakita ang kaniyang asawa sa highway na papunta sa Dubai, dalawang oras ang layo mula sa Abu Dhabi.
Ayon sa agency, sa car accident nasawi ang kanyang asawa pero laking taka niya kung bakit wala umano ang cellphone at Emirates ID ng kaniyang misis nang ito’y matagpuan.
Duda si Kenneth kaya nais niyang magtungo sa Abu Dhabi para personal na malaman kung ano ang nangyari sa kaniyang misis.
Samantala, hinihintay pa ng Department of Migrant Workers ang ang opisyal na ulat tungkol sa sinapit ng Pinay nurse.
Tiniyak naman nila na suportado nila ang pamilya ng nasawing nurse.