Nahukay na bangkay ng mga miyembro ng isang kulto sa Kenya, umabot na sa 73

Umakyat na sa 73 bangkay ng mga miyembro ng isang kulto sa Kenya ang nahukay ng mga awtoridad matapos nilang sundin ang utos ng kanilang lider na magpakagutom hanggang mamatay para makapiling ang Diyos.

Ayon sa Kenyan Police, kasalukuyang nakakulong na ang pari o lider ng nasabing kulto.

Pinamunuan ni Paul Makenzie Nthenge ang nasabing kulto at sinabihan niya umano ang mga kasapit nito na patayin ang kanilang sarili sa gutom.

Ayon kay Hussein Khalid, miyembro ng Haki Africa rights group, may ilan pang mga kaanib ng kulto ang nagtatago pa rin hanggang ngayon.

Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa pinangyarihan ng karumaldumal na pangyayari.//CA