NAGA CITY- Hulyo 13, 2021 pa nakumpirmang tinamaan ng COVID-19 ang isang lalaking residente ng Nabua, Camarines Sur na nagtatrabaho sa kalapit bayan na Bula.
Kahapon, Agosto 6, 2021 inanunsyo ng DOH-Bicol na delta variant ito, base sa resulta ng genome sequencing na lumabas noong Agosto 5.
Ito ang unang kaso sa lalawigan.
Ayon sa Provincial Incident Management Team, walang travel history ang naging pasyente. Naquarantine sa Municipal Quarantine Facility, matapos ang 14-araw nanatili siya sa kanilang tahanan, maliban noong tumungo sa isang kilalang Department Store para bumili ng pagkain. Nakarekober na ito ayon pa sa IMT, sa opisyal na pahayag ng LGU Nabua, Hulyo 26 pa nakarekober.
Bago pa man ang pormal na anunsyo ng DOH Biyernes ng gabi, nag pulong na ang MDRRM Nabua at kanilang Alkalde nitong Huwebes.
Nakaquarantine na sa San Ramon Facility ang pamilya. Ang mga personaheng na-assign sa kanila ay mag ku-quarantine sa loob ng 21-araw at dalawang beses na sasailalim sa swab testing.
Granular lockdown ang aksyon para sa Barangay. Maituturing na red zone ang 25 metro mula sa bahay ng naging pasyente. Orange Zone sunod na 25 metro.
Gagawin ang mass testing ngayong araw sa red zone area. Upang matukoy kung may positibo pang iba o may nahawa ng variant.
Nagpapatuloy ang contact tracing sa pamilya, barangay pati sa pinagtatrabahuhan nito.
Patuloy ang apela ng DOH na mahigpit na sundin ang health protocols na panlaban sa anumang variants ng COVID-19.