Mababasa sa ilalim ng Article 14, Section 19 ng Saligang Batas na layunin ng bawat estado na protektahan ang karapatan ng mga nasasakupan nito sa pagkakaroon ng balanse at maayos na kalikasan.
Ito ang isa sa mga ipinuntong ideya ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 1084 na naglalayong paimbestigahan ang naging oil spill sa lumubog na MT Terra Nova na naging sanhi ng leak sa Manila Bay at iba pang lugar.
Ayon kay Tolentino, lumalabas na halos nasa isang bilyong piso na ang halaga ng pangkabuhayang nasira ng oil spill.
Kasunod nito, sa kanyang inihaing resolusyon, nais niyang direktang imbestigahan ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change ang tungkol dito.
Anya, hindi naman din ito ang unang pagkakataon na naranasan ito ng bansa dahil naganap na rin ito noon sa may central island ng Mindoro na labis namang nakaapekto sa turismo ng bansa.
Dahil dito, dapat lang umanong mapagtuunang pansin ito upang maiwasan na ang mga ganitong pangyayari.
Nanawagan din siya sa pagbuo ng inter-agency task force at pagsasagawa ng whole-of-government approach sa mga ahensya ng gobyerno upang agarang masolusyunan ang epektong dala nito.