Tutol si MP Promotions head Sean Gibbons na magkaroon sina Senator Manny Pacquiao at WBA welterweight super champion Yordenis Ugas ng rematch sa kabila ng pagkonsidera ng Pinoy boxing icon na gawin ito sa January ng susunod na taon.
Sinabi ni Gibbons na kung sakaling maging huli na ni Pacquiao ang susunod nitong laban ay dapat maging gala type ito na nagdidiwang sa mga pinagdaanan nito sa loob ng ring.

Iginiit ni Gibbons na ang kailangan ng senador ay isang proper send-off, na tribute sa kaniyang mahaba at magandang Hall of Fame career kung saan ay mayroon itong solidong kalaban na pwedeng mapatumba.
Hindi naman nakikita ni Gibbons si Ugas na nababagay para sa isang gala fights at sa katunayan ay hindi na nila kailangan pa na makita ito muli.
Naniniwala si Gibbons na kung mas bata lang si Pacquiao, ay hindi kakayanin ng Cuban fighter na matalo ang Pambansang Kamao dahil sa bilis at likot nito sa loob ng ring.