KORONADAL CITY — NAKIISA na rin ang South Cotabato Medical Society o SOCOMED sa panawagan laban sa open-pit mining sa lalawigan.
Kaninang umaga, isang motorcade ang isinagawa ng grupo bilang panawagan kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., na i-veto ang ordinansang ipinasa ng Sanguniang Panlalawigan o SP na nag-a-amyenda sa Environmental Code ng probinsiya lalo na sa probisyon na nag-aalis ng ban sa open pit mining method.
Sa panayam ng 95.7 Brigada News FM Koronadal kay Dr. Pamela Grace Español-Solano, miyembro ng SOCOMED, ikinagulat umano nila ang mabilis na pag-dedesisyon ng SP sa isyu ng pag-minina sa lalawigan.
Naniniwala umano sila na may dalang panganib ang pagmimina lalo na sa kalusugan ng mga residente maging sa ecosystem ng mga lugar na sakop nito.
Kabilang umano sa mga sakit na posibleng makuha ng mga tao sa pagmimina ay ang mga respiratory illnesses, skin disease, at iba pa dahil sa kontaminadong tubig.
Sa ngayon, sumulat na ang SOCOMED sa Office of the Provincial Governor upang ipa-abot ang mariing pagtutul ng mga ito sa open-pit mining.
Umaasa naman ang mga ito na pakikinggan ng gobernador ang mga panawagan na i-veto ang nasabing ordinansa.
