KORONADAL CITY — DEAD on arrival sa hospital ang isang menor de edad, matapos aksidente umano itong mabaril ng ama, alas-2:40 ng madaling araw kanina sa Sitio San Vicente, Barangay Centrala, Surallah, South Cotabato.
Kinilala ng Surallah PNP ang suspek na si Edwin Castillo Abajay, alyas Jonoy, 42-anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng nabanggit na lugar.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, nagpapahinga sa kwarto ang mag-ama matapos nakipag-inuman ang suspek sa mga kaibigan nito.
Habang nagpapahinga, tinawagan umano nito ang kanyang asawa na nagtatrabaho sa abroad ngunit hindi niya ito ma-contact.
Kumuha umano ito ng baril at binaril ang sarili ngunit tinamaan ang anak nitong natutulog sa tabi. Tinamaan ng bala ang bata sa kaliwang bahagi ng mata at tumagos sa kanang taenga.
Isinugod pa sa ospital ng kanyang mga lolo at lola ang bata ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Naaresto naman ng mga otoridad ang suspek at nakatakdang kasuhan.
