CAMARINES NORTE- Umarangkada na simula ngayong araw ang month- long observance ng Fire Prevention Month na pinangunahan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Kaliwa’t kanang motorcade ang ginawa ng iba’t- ibang Fire Station sa lalawigan ng Camarines Norte kaninang umaga kasama ang PNP, riders association at iba pang grupo
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Fire Inspector Socorro Tabaniag, Municipal Fire Marshal ng Basud, Camarines Norte, inihayag nito ang kahalagahan ng selebrasyon sa pamamagitan ng mga nakalatag na aktibidad sa buong buwan ng Marso.
Ngayong taon umano ay hindi na lamang sa fire safety awareness nakatutok ang BFP kundi sa maraming bagay lalo na ang pagpapalakas ng community fire auxiliary group.
Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay ang “Pag iwas sa Sunog, Hindi ka nag iisa,” na naglalayon umanong ipaunawa sa tao na mayroong mahalagang papel na ginagampanan ang komunidad.
Paliwanag ni Tabaniag na bagamat pangunahing obligasyon ng BFP ang pagsugpo sa sunog ay malaki umano ang maitutulong ng bawat isa para maiwasan ito.
Isa umano sa mga bagong aktibidad ngayon ng BFP na wala noong mga nagdaang taon ay ang Bayanihan Seal sa mga barangay kung saan hinihikayat ang mga kapitan na hindi lang basta mag participate kundi i- comply ang mga requirements ng una.
At kung dati ay nakatutok lang ang inspeksyon ng BFP sa mga establishment, ngayong taon ay tutunguhin na rin pati ang mga bahay- bahay.
Dito ay tuturuan ang mga tao ng tinatawag na “proper housekeeping”.
“Proper housekeeping ituturo samga bahay- bahay, baka kasi may mga nakalaylay na mga wires delikado, baka po yung mga kusina natin may mga nakatambak na pintura gasoline, yun po ang naitutulong namin sa kanila, nagtuturo kami kung papano nila aayusin ang LPG kapag may mga leak,” ani Tabaniag.
Naniniwala si Tabaniag na mas epektibong hakbang kung bumababa sila hanggang sa mga bahay- bahay dahil nandito talaga aniya ang mga totoong scenario ng sunog.
Isa rin daw sa palalakasin ngayon ng BFP ay ang pagsasagawa ng hazard mapping kung saan i- iidentify ang mga fire prone areas at kung saan ang pinakamadaling paglolocate ng hyrdants.
Ibabalik na rin umano ngayon ang pagsasagawa ng mga fire drill at face to face lectures na hindi nagawa noong mga nagdaang taon dahil sa COVID- 19 pandemic.
