Monitoring ng Batangas City Inspection Committee para sa mga establisyimento na gagawaran ng Safety Seal Certification, nagsimula na

Nagsimula na ang City Safety Seal Inspection and Certification Committee sa kanilang monitoring at inspection sa mga establisyimento dito sa lungsod ng Batangas bilang pagpapatupad sa “Implementing Guidelines of the Safety Seal Certification Program” na isinasaad ng joint memorandum circular ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism (DOT) at Department of Trade and Industry (DTI).

Unang binisita ng grupo ang Waltermart sa barangay Calicanto.

Ayon kay Ginoong Armando Lazarte, EBD monitoring team head, magsasagawa sila ng inspection at monitoring araw araw bilang pagtalima sa kautusan ni Mayor Beverley Dimacuha na mapababa ang kaso ng COVID-19 sa Batangas City.

Sinabi pa ng monitoring team head, dati pa naman nilang ginagawa ang pagmomonitor pero mas pinaigting pa aniya nila ngayon dahil sa joint memo na dumating.

Ipinunto naman ni Ginang Ditas Rivera, Chairperson ng nabanggit na committee na may mga checklist silang pinagbabatayan upang malaman kung kwalipikado na mabigyan ng safety seal ang isang establishment.

Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng valid business o mayor’s permit, pagkakaroon ng contact tracing tool gaya ng Staysafe.PH at mga kagaya nitong application, thermal scanner para sa mga empleyado at customers, health declaration sheet, QR codes para sa mga contact tracing tool, at isolation area para sa mga identified symptomatic employees.

Mababatid na layunin ng safety seal certification program na istriktong maipatupad ng mga establisyimento  ang  mga health at safety at protocols  kontra COVID-19 upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili.

Sa pamamagitan din nito, mahihikayat ang publiko na tangkilikin ang mga business establishments na nagawaran ng safety seal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *