CAMARINES NORTE- Hindi pa matiyak sa ngayon ng Commission on Elections kung muling gagamitin sa pagpaparehistro ang mobile application.
Ito ay makaraang itigil ang pagamit nito para i- upgrade ang system.
Ayon kay Election Officer III Emily Basilonia ng Mercedes, isa sa limang bayan sa Camarines Norte na gumamit na ng mobile registration form app sa voter registration. wala pa umanong abiso sa kanila ukol dito.
Malaking tulong sana ito para mapabilis ang voter registration at nasubukan na ring gamitin sa pagsasagawa ng satellite r registration maging sa mga islang barangay ng naturang bayan kung saan mahina ang signal.
Sa text message naman sa Brigada News FM Daet ni Election Officer III Rommel Pajarin ng Comelec Speaker’s Bureau, inihayag nito na ang huling tagubilin sa kanila ay hindi muna ito gagamitin dahil inaayos pa ang program.
Ayon kay Pajarin, na siya ring Election Officer ng Vinzons na isa sa mga bayang unang gumamit ng mobile app, wala pang abiso sa kanila kung muli itong magiging available sa sandaling buksan ang pinalawig na voter registration na magsisimula sa October 11- 30 ng taong kasalukuyan.
Pero available naman umano ang iRehistro kung saan maaaring I fill up ang application online.
Pagkatapos nito ay magpi- print ng tatlong kopya ng long size bond paper na back to back at saka dadalhin sa Comelec para magpa biometrics ang aplikante.
Matatandaan na pormal na inilunsad ng Comelec noong Hunyo ang mobile application para mapabilis ang proseso ng voter registration.
Ang mga bayan ng Mercedes, Labo, Vinzons, San Lorenzo Ruiz at San Vicente ang gumagamit na ng mobile registration form app sa voter registration.
