Pirmado na ng Department of Trade and Industry Isabela katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Isabela ang Memorandum of Agreement na tututok sa pagsasaayos at pagpapanatili ng mga MSME sa probinsya sa kanilang Shared Service Facilities (SSF).
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan nina DTI- R2 Isabela Director Winston Singun, TESDA R-2 Isabela Director Vilma Cabrera, ISAT Superintendent Edwin Madarang at SICAT Superintendent Danilo Pacis.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, nakasaad sa nasabing kasunduan na ang District TESD Centers sa Isabela School of Arts and Trades (ISAT), at sa Southern Isabela College of Arts and Trades (SICAT) ay magbibigay ng mga technician na magsasaayos sa mga sirang kagamitan at makinarya ng SSF.
Bukod dito ay maari ring magsagawa ang TESDA-Isabela ng training sa pagmamanipula ng makina at pagsasaayos ng sir anito.
Kaugnay dito, wala umanong bayad ang isasagawang pag-aayos ng TESDA sa mga kagamitan sa SSF Project site o sa TESD Center ngunit ang mga benepisaryo ay kinakailangang magbigay ng materyales upang maayos ito.
Inihayag naman ni DTI-Isabela Provincial Director Singun na mayroong 94 SSF Projects ngayon ang Isabela at malaki umano ang tulong ang naturang kasunduan upang magpatuloy ang maayos na operasyon ng mga ito.