MMDA at DPWH, iginiit na hindi nagpabaya matapos ang naranasang mga pagbaha

Isinisi ng Metropolitan Manila Development Authority sa iba’t ibang “factors” ang matinding pagbaha sa National Capital Region nang manalasa ang bagyong Carina na nagpalakas sa hanging habagat noong nakaraang linggo.

Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na lubhang nakaapekto sa natural na pagdaloy ng tubig patungo sa Manila Bay ang pag-apaw ng Tullahan River at iba pang river systems.

Malaki rin aniya ang naging epekto ng pag-apaw ng La Mesa Dam, ang pagpapakawala ng tubig ng Ipo at Bustos Dam sa Bulacan, high tide sa Manila Bay at pagkasira ng navigational gate na makatutulong sana sa mga lungsod ng Navotas at Malabon.

Read More:  PH Embassy in Pretoria advises Filipinos to avoid Ebola-affected areas

Sa katunayan, ipinrisinta sa pagdinig na umabot sa 471 millimeters ang ibinuhos na ulan na maihahambing sa mahigit isang bilyong drum ng tubig na hindi naman kakayanin ng pump capacity na 123 million drums lang.

Karaniwan umanong humuhupa ang baha na dulot ng 20 millimeters ng ibinuhos na ulan sa loob ng labinlima hanggang tatlumpung minuto pero sa pagtama ng bagyo at habagat ay mas nahirapan dahil sa mataas na water level sa waterways at high tide.

Nabatid din mula sa MMDA na nasa dalawampu’t tatlong libong truckloads ng basura ang kanilang nakolekta.

Sa pitumpu’t isang pumping stations na pinatatakbo ng MMDA ay dalawampu’t anim ang kailangan nang sumailalim sa rehabilitasyon.

Read More:  Senate minority bloc members want Gatchalian as new SP

Idinagdag pa ni Artes na hindi sila nagpabaya sa nasirang floodgate sa Navotas dahil sa katunayan ay agad silang nagpatawag ng pulong at inaasahang matatapos ang pagkukumpuni sa loob ng isa o dalawang buwan.

Samantala, sa hiwalay na pagdinig ng House Committee on Public Works ay ibinahagi na kasama sa proposed projects ang pagbuo ng 50-year drainage masterplan para sa Metro Manila, konstruksyon ng mga bagong pumping stations at flood tunnels at maliliit na water impounding projects.

Gayundin ang pagtatayo ng karagdagang Malabon-Navotas floodgate at upgrade ng Effective Flood Control Operational System.