SORSOGON CITY – Naiwan sa karsel at himas rehas pa ngayon ang misis na sinampahan ng kanyang mister ng kasong adultery, habang ang kapwa akusado nito na isang Kapitan ng barangay ay agad na nakapaglagak ng piyansa.
Sa update na nakuha ng Brigada News sa himpilan ng Pulisya ng Bulan, kinabukasan umano, matapos na maaresto ang mga suspek sa isang resort sa nasabing bayan ay agad na nakapaglagak ng piyansa si Ariel Ollosca Gupit, 47-anyos, may asawa, kasalukuyang Kapitan ng Brgy Aquino habang ang kalunya nito na si Sharon Gipa Red, 39-anyos, may asawa, naninirahan sa parehong barangay ay nasa piitan pa.
Kung babalikan, gabi noong Huwebes, sa isang resort sa Sitio Pawa, Brgy Lajong ng nasabing bayan, ay inaresto ang dalawa base sa sumbong ni Ginoong Red sa mga awtoridad na siya ay pinagtataksilan ng kanyang asawa.
Ang adultery ay isang kasong kriminal na sinasabing ‘’crimes against chastity’’ sa ilalim ng Revised Penal Code of the Phils. Ito ay itinuturing na sexual infidelity ayon naman sa Family Code.
