Nilinaw ngayong umaga ni MILF AHJAG Chairman at Peace Security and Reconciliation Office Executive Director Anwar Alamada na walang nangyaring pagsuko ng mga armas ng mga myembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa Barangay Lagandang, Isulan Sultan Kudarat Province nitong Byernes.
Sinabi ni Alamada na ipinrisenta lamang ang nasabing mga baril matapos ang resulta ng kahilingan ni MILF CCCH Chairman Butch Malang sa Joint Task Force Central ng Philippine Army na hwag manghimasok ang militar sa nangyaring labanan sa pagitan nina Commander Stallion ng MILF at Commander Mutin Ali ng MNLF.
Sinang-ayunan naman ito ng militar sa pamamagitan ni 6th ID Assistant Division Commander Brigadier General Nasser Lidasan na sya ring Chairman ng GPH CCCH na itigil ang Support to Law Enforcement Operation o SLEO sa lugar pero kukunin ang mga baril at itu-turnover sa Camp Darapanan sa Sultan Kudarat Maguindanao del Norte.
Nitong Byernes ng gabi ay nadala nga sa Camp Darapanan ang naturang mga armas maging si Commander Stallion at mga tauhan nito at babalik sila sa lugar kapag nagkaroon na ng dispute resolution sa pagitan nito at sa katunggaling grupo.(Jom Dimapalao)