Binigyan ng parangal ng 10th Infantry Division ng Philippine Army ilan sa mga tauhan nito na naging bahagi ng Disaster Response and Rescue Operations sa landslide na naganap sa Masara, Maco, Davao de Oro.
Ang awarding Ceremony sa Camp Gen. Manuel Yan Sr., sa Mawab, Davao de Oro ay pinangunahan ni 10ID Commander Major General Allan Hambala.
Dito’y tumanggap ng mga medalya ang 109 na tauhan at K-9 dogs mula sa 525th Engineer Combat Battalion, 10ID Emergency Response Company, 25th Infantry Battalion, at 11th Regional Community Defense Group.
Sa kanyang pahayag, nagpasalamat si Gen. Hambala sa dedikasyon at pagtulong ng kanilang mga tauhan sa Search, Rescue, and Retrieval Operations sa Barangay Masara.
Dahil sa kanilang pagsisikap, naligtas ang 32 sugatang biktima at na-rekober ang labi ng 93 indibidwal sa insidente.
Ang mga tauhan ng 10ID ay kabilang sa mga first responder nang maganap ang landslide sa Masara noong Pebrero 6.