“Ang panalo namin ay panalo nating lahat.”
Ito ang naging mensahe ng double gold medalist sa 2024 Paris Olympics na si Carlos Edriel Yulo matapos silang parangalan ng Kamara ngayong araw dahil sa nakamit na tagumpay.
Iginawad ng House of Representatives sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez ang congressional medals at cash gifts sa mga atletang sumabak sa Olympics.
Kabilang sa mga nabigyan ng parangal na dumalo sa seremonya sina Yulo, EJ Obiena, Nesthy Petecio, Aira Villegas, Eumir Felix Marcial at Carlo Paalam.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ni Speaker Romualdez na bukod sa suporta sa mga atleta sa Olympics ay bibigyan nila ng prayoridad sa Kamara ang pag-review sa Republic Act 10699 o ang National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act upang mas mapalakas pa ang tulong sa mga manlalaro sa buong bansa.
Umabot sa 14 million pesos ang kabuuang halaga ng cash incentives na nakuha ni Yulo mula sa Kamara kung saan walong milyong piso mula rito ang pinag-ambagan ng mga kongresista.
Sina Petecio at Villegas ay tumanggap naman ng tig-3.5 million pesos habang ang ibang atleta na walang nasungkit na medalya ay binigyan ng tig-kalahating milyong piso.
Nagpasalamat naman si Yulo sa natanggap nilang panalangin, mainit na suporta at pagpapahalaga sa kanilang pagsisikap at paghihirap upang magtagumpay sa kani-kanyang larangan.
#