LEGAZPI CITY- Madadagdagan na ang pitong paaralan na nauna nang nagsagawa ng pilot implementation ng limited face to face classes sa lungsod ng Ligao matapos manatiling nasa alert level 2 ang lalawigan ng Albay.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Ligao City School’s Division Superintendent Nelson Morales Jr., labing-pitong (17) paaralan mula sa nasabing lungsod ang maaari na rin magsagawa ng face to face classes matapos magsumite ng mga inilatag na requirements ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) tulad ng Certificate of Compliance para sa physical set-up at vaccination status ng paaralan, at endorsement mula sa Local Government Unit.
Ang labing-pitong (17) paaralan na ito ay ang mga sumusunod: Ligao City National Technical Vocational High School, Cabarian National High School, St. Mary’s Academy Vanderpol Christian Academy, Catburawan Elementary School Cabarian, Elementary School San Vicente Elementary School Francia Elementary School Oma-Oma Elementary School Pinit Elementary School Baligang Elementary School, Nabunton Elementary School, Basag Elementary School, Batang Elementary School, Binanowan Elementary School. Paulog Elementary School Bonga Elementary School.
Aniya, depende sa sukat ng silid-aralan kung ilang mag-aaral ang mailalagay dito basta’t masusunod pa rin umano ang mahigit isang metrong social distancing na kung saan mapapanatili ang sapat na bentilasyon o hangin dito.
Dagdag pa rito, nasa “preparation stage” na rin ang Ligao National High School na may humigit kumulang 70% vaccinated learners na at patuloy na nagsasagawa ng vaccination survey, consultation at simulation sa mga mag-aaral, magulang at teaching personnel nito .
Samantala, umaasa rin si Morales na ngayong school year ay makakapag face to face classes na ang lahat ng private at public schools sa elementarya at sekondarya dahil nakikitaan na ng pagbaba sa kaso ng virus infection sa lugar, ngunit mananatiling priority pa rin umano rito ang kaligtasan at kalusugan ng bawat isa.