Nakakasunod na sa tamang bilang ng mga kinakailangang doctor at nurse ang mga ospital sa probinsya ng Sorsogon base sa guidelines ng Department of Health (DOH).
Ito ang inihayag Board Member Roland Añonuevo, Chairman ng Committee on Health, Demography, Senior Citizens, and PWD sa panayam ng Brigada News.
Aniya, bahagi ito ng 7K Program ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng Kalusugan Program kung saan maliban sa pagkumpleto sa mga kinakailangang bilang ng mga medical practitioners ay paunti-unti na ring kinukumpleto ang iba pang mga medical equipment at facilities.
Katunayan aniya, mayroong paparating na karagdagang 50 dialysis machines sa lalawigan na nakalaan para sa mga bayan ng Irosin, Pilar at Gubat.
Ang mga nasabing bayan ayon sa opisyal ay natukoy bilang mga lugar kung saan mataas ang bilang ng mga may problema sa kidney na sumasailalim sa dialysis.
Maliban dito, mayroon ding mga paparating pa na Magnetic Resonance Imaging (MRI) machines upang makumpleto ang mga diagnostic facilities sa mga opsital sa probinsya ng Sorsogon.
