Mahigit 2,000 pamilya nakatakdang ilikas ngayong araw sa Albay dahil sa Bulkang Mayon; PHP30M halaga ng calamity fund, inilaan

LEGAZPI CITY, ALBAY – Nakatakdang ilikas ngayong araw ang mahigit 2,000 pamilya kasunod ng pagtaas sa Alert level 3 ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.

Ayon kay Eugene Escobar, RSD Chief ng Albay Public Safety and Management Office (APSEMO), ito ay matapos na magpalabas ng advisory kahapon kung saan nakapaloob na dapat nang isailalim sa mandatory evacuation ang lahat ng mga pamilyang nasa loob ng 6km permanent danger zone.

Read More:  Two farmers nabbed in fake gold scam, shabu seized

Anila, sa kabuuan, ito ay nasa 2,400 na mga pamilya o aabot mahigit 10,000 na mga indibidwal.

Dagdag pa nito, kung sakaling mas lumalala pa ang sitwasyon ng bulkan ay mas palalawakin pa nila ito at ipatutupad sa mga pamilya na nasa loob ng 7km extended danger zone, kung saan tinatayang madadagdagan ito ng 4,600 na pamilya o mahigit 16,000 katao.

Read More:  ₱5.3M suspected substandard laptops seized in Cebu City

Kaugnay nito, ayon naman kay Albay Governor Edcel “Grex” Lagman ay PHP30M ang ilalaang pondo ng Pamahalaang Panlalawigan bilang quick response fund o calamity fund.

Subalit, ayon sa kanila ay 10-14 araw lamang ang itatagal ng pondo lalo na para sa family food packs.

Sa ngayon, inaasahang matatapos ang paglilikas sa loob ng dalawang araw dahil isasagawa ito nang sistematiko upang hindi makapag dulot ng anumang iba pang insidente.