Mga opisyal ng Fujifilm, sinampahan ng kasong ‘fraud and deceit’

Nakitaan ng probable cause ng Office of the City Prosecutors ng Pasig City para sa sampahan ng kaso ang mga opisyal ng Fujifilm Philippines na sina Ryo Nagaoka, Evan Reyes at John Paul Camarillo, at mga opisyal ng Fujilim Healthcare Asia Pacific Pte Ltd (Singapore) na sina Anil Jacob John, Dinesh Mehra at Erik Koh ng krimeng “other deceits”.

Sa inilabas na resolusyon ng piskalya inakusahan ng Sunfu Solutions, Inc. ang mga opisyal ng Fujifilm ng kasong kriminal na pandaraya at panlilinlang sa pamamagitan ng pagbigay ng First Tier Distribution Certificate na may petsang January 6, 2022, na nagbigay pahintulot sa Sunfu na ipamahagi ang mga kagamitang medikal ng Fujifilm para sa OFW Hospital and Diagnostic Center sa Pampanga subalit kalaunan ay napag-alaman nilang peke pala ito.

Nalaman na lamang umano ng Sunfu ang panlilinlang na ito nang muling mag-isyu ang Fujifilm ng First Tier Certification sa isa pang bidder na siyang epektibong nagpawalang-bisa sa nauna nitong inisyu sa Sunfu.

Sinabi ng Sunfo na nabiktima sila at nalinlang at napaniwala na maaari itong mag-distribute ng Fujifilm medical equipment na sa huli ay lumabas lamang na hindi totoong pangako, at nasayang lamang ang oras at gastos na kanilang ginugol para makipagkumpitensya sa bid.

Pinabulaanan ng mga opisyal ng Fujifilm sa kanilang counter-affidavits ang mga paratang ngunit ayon sa resolusyon ng Tanggapan ng Piskalya “ ang depensang pagtanggi, bilang isang negatibong depensa, at walang kaakibat na malinaw at kapanipaniwalang ebidensya ay hindi dapat bigyan ng konsiderasyon at hindi rin maaring bigyan ng mas mabigat na konsiderasyon.

Ang kriminal na impormasyon ay naisampa na sa Metropolitan Trial Court of Pasig City.

Samantala nagsampa naman ng Motion for Reconsideration sa piskalya ang Sunfu para hilingin na ang asunto laban sa mga akusado ay kailangang gawing estafa sa ilalim ng Art. 315(2) (a) ng Revised Penal Code.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *