Nakatakda na sa July 30 ang pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development hinggil sa tindi ng baha na naidulot ng Bagyong Carina at Habagat.
Sa panayam ng Brigada News FM Manila kay Chair ng kumite na si Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, sinabi nitong tatalakayin nila ang mga nararapat na solusyon para mapaghandaan pa ang mga susunod na bagyo.
Ilan aniya sa ipatatawag ay ang mga ahensya ng DPWH, MMDA, PAGASA, concerned local government units, at mga private contractor ng mga garbage collector.
Inaasahan din umano nila na magiging ‘jampacked’ ang hearing dahil maraming mga kongresista ang dadalo.
Kailangan din umanong malaman kung gumagana ba talaga ang lahat ng mga pumping stations sa Kamaynilaan.
Inihalimbawa ng mambabatas ang pumping station sa Sunog Apog Pumping Station sa Tondo, Manila.
Kahit kasi 2018 pa ito natapos – hindi pa rin ito binubuksan hanggang sa ngayon.
Samantala, naniniwala naman si Valeriano na hindi pa masasabing ang reclamation project sa Manila Bay ang dahilan ng baha.
Aniya, posibleng factor nga ito, pero hindi ito ang pinakadahilan ng malawakang pagbaha.