SORSOGON CITY – Itinuturing ng ilang negosyante sa lungsod na walang silbi o ‘useless’ ang ikinasang Modified Liquor Ban ng City-LGU.
Sa pahayag sa Brigada News FM ng isang may-ari ng resto bar sa Rompeolas tumutungo sa lugar nila ang mga tao upang magrelax at uminom, kaya’t kung hindi rin papayagan na makapag-‘stay’ sa kanilang lugar ang mga customers upang uminom ay tiyak na hindi na ang mga ito tutungo pa sa kanilang puwesto.
Aniya pa, bibili na lamang ang mga ito ng alak sa sari-sari store/ grocery o liquor store na di hamak na mas makakamura sila kaysa sa mga restobar.
Nangangahulugan ito na ‘patay’ pa rin ang kanilang negosyo habang wala namang suporta na ibinibigay ang LGU upang makapagbayad sila ng sapat sa renta at permit.
Una rito, nagpalabas ng bagong EO ang City LGU dahil sa biglang pagsirit ng mga kaso at nasasawi sa Covid-19 sa lungsod. Idineklara din ng DOH-Bicol na nasa ‘high risk’ na sa nasabing sakit ang lungsod.
Nakapalaman sa EO No. 34, section 5 ang ‘Imposition of Modified Liquor Ban’ na ang layunin sana ay upang hindi gaanong maapektuhan ang mga negosyo sa kabila ng pagpapaigting ng implementasyon ng helath protocols.
Sa ilalim ng modified liquor ban ay maaari pa ring magbenta at bumili ng alak subalit ipinagbabawal ang pag-inom sa mga pampublikong lugar at mga restobar.

