LEGAZPI CITY – ‘Alarming’ na umano para sa bise-gobernador ng Albay ang naitalang pagtaas ng mga kaso ng aksidenteng kinabibilangan ng tren at vehicle collisions sa lalawigan.
Kasunod ito ng halos sunud-sunod na naiulat na aksidente sa Albay na kinabibilangan ng kamakailang banggaan ng tren at commuter van sa Brgy. Gapo, Daraga, pati ang pagkakahagip ng tren sa isang 21 anyos na binate sa Brgy. Bitano, Legazpi City na nagresulta sa pagkakaputol ng isang binti nito. Lahat ng mga kasong ito ay nangyari sa loob lamang ng isang linggo.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay VG Glenda Ong-Bongao, sinabi niya na nagkausap na sila ng Committee Chair on Transportation sa lalawigan at plano na ring magpatawang ng committee hearing upang mapag-usapan ang mga dapat gawin nang sa gayon ay maiwasan ang pagdami ng naturang kaso.
Kabilang aniya sa mga ipapatawag para sa hearing ay ang Philippine National Railways, pati na rin ang nasa walong lokal na pamahalaan na dinaraanan ng mga tren. Ayon pa sakanya, halos mahabang panahon din kasing hindi nag-operate ang mga tren sa lalawigan kaya’t nakasanayan din ng ibang mga tao na tumambay malapit sa may riles.
Dahil dito, sinabi pa ni Bongao, kailangang maging aware ang publiko lalo na sa schedule ng mga tren upang maiwasan ang ganitong mga aksidente.