CAMARINES NORTE- Tinitiis pa rin ngayon ng mga nagpapabakuna ang mahabang pila para lang mabakunahan kontra COVID- 19.
Tulad noong nakaraang linggo, dagsa pa rin ang mga tao sa ilang vaccination site sa lalawigan tulad na lamang sa Central Plaza Mall na madaling araw pa lang ay mayroon nang pila.
Kaya bago pa man sumikat ang araw ay bumubungad na ang napakabang pila na ang karamihan ay hindi pa nag aalmusal.
Sa Basud Sports Complex naman ay mahaba rin ang pila lalo na ang mga magpapabakuna sa pediatric population.
Gayunman, hindi ito katulad noong nakaraang linggo na sa labas pa lamang ng sports complex ay nagsisiksikan na ang mga tao sa pagnanais pa lang na makakuha ng numero.
Sa katunayan, ay naubos agad ang bakunag Pfizer kaya’t marami sa mga nakapilang mga kabataang edad 12 hanggang 17 anyos ay pinauwi na lang.
Ngayong araw ay muling umarangkada ang pagbabakuna sa pediatric population gamit ang Moderna.
Ang mga nagpapabakuna sa pediatric population ay pinaalalahanang magdala ng dokumento na nagpapatunay ng relasyon ng anak sa magulang tulad ng Birth o baptismal certificate at valid ID ng babakunahan at ng magulang o guardian.
Kailangan ding kasama ang magulang o guardian ng mga kabataang magpapabakuna.
Maliban sa pediatric population ay nagbabakuna rin sa adult population gamit ang Sinovac at AstraZeneca.
Samantala, bigo naman ang Camarines Norte na maabot ang target na bilang ng babakunahan sa katatapos lang na national vaccination days.
Batay sa datos ng Department of Health as of 6:20 am ng December 5, nasa 64, 085 ang nabakunahan sa target na 123, 266 sa loob ng tatlong araw o 52 %.
