Ang mga motoristang walang suot na helmet ang karamihan sa mga nahuhuling violators ng mga kasapi ng Highway Patrol Group (HPG) Isabela sa lunsod ng Cauayan.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News Cauayan kay HPG Isabela Chief PMaj. Rey Sales, sinabi niya na marami sa mga nahuhuli ng kanilang tropa ang mga nagmamanehong walang suot na helmet at kapag sinisita ang karaniwang dahilan ay malapit lang din umano ang pupuntahan.
Tinitekitan nila ang mga nahuhuli kung saan may kaukulang penalty na babayaran ang mga ito.
Paalala niya na nakasaad sa batas na dapat ang mga nagmomotorsiklo ay may suot na helmet malapit man o malayo ang pupuntahan at para sa kanilang sariling kaligtasan.
Isa rin aniya sa kanilang mga nahuhuli ay ang mga tsuper na nagpaso na ang kanilang lisensya o walang rehistro ang motor.
Kadalasan aniya sa mga ganitong kaso ay iniimpound na lamang nila ang mga motorsiklo at hindi na tinetiketan subalit iniendorso sa LTO upang i-renew ang kanilang mga dokumento pagkatapos ay maaari na nilang i-release.
Samantala, kabilang din umano sa gampanin ng mga kasapi ng HPG ngayong GCQ bubble set up sa Cauayan City ay ang sintahin ang mga pasahero sa mga public transportation na hindi nakasuot ng face mask o walang social distancing.
Kung may mga nakikitang mga paglabag ay pinapanagot umano ang mga tsuper kung saan kinukuha ang kanilang mga lisensya.
Kaugnay nito ay muling nagpaalala si PMaj. Sales sa mga motorista at sa publiko na sumunod sa batas trapiko at sinabing hindi nila kalaban ang HPG kundi kakampi sa lansangan.