Magsasampa ng kaso ang kapulisan sa mga kasapi ng rebeldeng NPA na tumambang sa personnel ng 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Cagayan Police Provincial Office matapos ang nangyaring sagupaan sa Brgy. Mabuno, Gattaran, Cagayan pasado alas-7 ng umaga noong June 7, 2021.
Ito ang inihayag ni PMaj. Raymund Baggayan, ang hepe ng PNP Gattaran sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Anya, nangangalap lang sila ng statements ng mga napaengkwentrong pulis at sibilyan at nakadipende dito ang isasampang kaso para sa regular filing.
Sinabi pa ni PMaj. Baggayan na harassment ang ginawa ng mga naturang rebelde sa kanilang hanay.
Isasampa ang kaso laban sa mga miyembro ng grupo ng NPA na kumikilos sa kanilang nasasakupan.
Magugunitang sumiklab ang sagupaan nang tambangan ng hindi pa matiyak na bilang ng mga rebelde ang mga kasapi ng 2nd PMFC na patungo sana sa Sitio. Sicalao upang ipagpatuloy ang konstruksyon sa ipinapatayong bahay para sa isang surrenderee.
Nang makatawid sa ilog malapit sa pabahay ay dito umano sila pinaputukan ng mga rebelde na tinatayang nasa 200 metro ang layo kung saan sila nakapwesto.

Aniya, gumanti naman ng putok ang tropa ng pamahalaan na tumagal ng limang minuto kung saan umaatras din ang mga rebelde.
Ayon pa sa kaniya nakarekober sila ng 18 na basyo ng bala ng kalibre 5.56mm riffle na ginamit ng mga rebelde sa pinangyarihan ng insidente.
Dumating din sa lugar ang mga kasapi ng 77th Infantry Brigade Philippine Army upang sumaklolo sa nangyayaring bakbakan.
Wala namang nasugatan sa hanay ng tropa ng pamahalaan habang hindi naman tiyak kung may nasagutan sa panig ng mga rebelde.