SORSOGON CITY – Kumbinsido si Health Justice Philippines Managing Director Atty. Jackie Zarita na minsan bahagi o mga magulang din ang dahilan kung bakit sa murang edad ay natutong manigarilyo ang mga anak.
Ayon dito, may mga pagkakataon kasi umano na ang pagbili ng sigarilyo, gayundin ang pagsisindi nito ay ipinagkakatiwala na ng tatay o nanay sa kanyang anak sa pamamagitan ng pag-utos dito kung saan hindi umano namamalayan ay natututo na itong manigarilyo.
Bunsod nito, umapela si Zarita sa mga magulang na maging responsable at huwag hahayaang ma-expose ang kanilang mga anak sa paninigarilyo.
Binanggit din nito ang pagbebenta ng mga sarisari store sa mga menor de edad na hindi umano dapat.
Hiling nito sa mga may-ari ng tindahan na maging mapanuri ang mga ito kung sino lamang ang dapat na pagbentahan ng sigarilyo upang hindi makabili ang mga kabataang wala pa sa hustong gulang. Una rito, sinabi ng opisyal na base sa pag-aaral ng Philippine Pediatric Society, mayroon nang mga batang edad anim at pitong taong gulang na naninigarilyo.
