CAMARINES NORTE- Maagang pumila ang mga magpapabakuna sa bayan ng Basud kaninang umaga sa vaccination Center.
Dakong alas 7 pa lamang ng umaga kanina ay pumila na ang mga ito sa Basud Agro Sports Complex para sa kanilang first dose ng moderna vaccine para makakuha ng numero.
Batay sa datos ng Lokal na Pamahalaan nasa 10, 906 na ang total vaccine administered sa naturang bayan at nasa 5, 215 dito ay fully vaccinated na.
Mababa pa ang mga nabakunahan ng moderna na nasa 55 pa lang.
Nagpaalala naman ang Department of Health sa mga Lokal na Pamahalaan na ang mga nakalaang bakuna para sa first doses ay kailangang magamit sa loob ng pitong araw at ang para naman sa second dose ay dapat itong magamit sa vaccination schedule at hindi magtagal sa storage facility.
Ayon kay Dr. Jannish Alcala- Arellano, OIC Local Health Support Division ng DOH Bicol, ang vaccine supply na natanggap ng munisipyo o lungsod ay dapat maibakuna sa qualified recipients sa loob ng tatlo hanggang anim na araw mula sa petsa kung kailan ito naideliver alinsunod sa NVOC advisory.
Kung ang mga munisipyo o lungsod ay walang sapat na storage na mapaglalagyan ng kanilang mga bakuna sa appropriate cold chain temperature requirement ay mayroon naman umanong storage facility ang mga probinsiya at ang mga ito ang magsisilbing storage hub.

