SORSOGON CITY – Pansamatalang tigil operasyon ngayon ang sardines cannery sa bayan ng Bulan matapos ang nangyaring hindi pagkasundo ng kumpanya ng sardinas na unang nagkaroon ng kontrata sa nasabing pasilidad.
Ito ang kinumpirma ng lokal na pamahalaang ng Bulan sa pakikipag-panayam ng Brigada News-FM Sorsogon.
Paliwanag ng alkalde na si Romeo Gordola, sinabi nito na hindi umano nagkasundo sa presyo ang dalawang kumpanya na marahil naging dahilan kung bakit hindi na nag-operate pa ang nasabing cannery.
Aniya pa, dapat maintidihan ng mga mamamayan na taga lata lamang ng sardinas ang trabaho ng naturang cannery at wala itong sariling branding ng sardinas kaya nangyayari ang mga ganitong problema.
Pinaka solusyon ngayon ng LGU sa pakikipag-ugnayan ng Provincial Government na kumuha ng ibang kompanya na may sarili talagang pagawaan ng sardinas, na ngayon ay nasa proseso na.

Ang nasabing sardines cannery sana ay inaasahang mag-aambag sa pang-ekonomiya ng lalawigan partikular sa mga natanggap na na mga mangagawa at maging sa mga mangingisda ng Sorsogon.
Una nang nakapag-hire ng humigit-kumulang 600 mangagawa na nagmula sa ibat-ibang bayan ng lalawigan bilang paghahanda sa full blast operations nito noong nakaraang taon.
Inaasahan din na ang pabrika ang siyang maglulutas sa problema ng oversupply ng isdang tamban o ‘lawlaw’ na masagana sa bayan ng Bulan.