CAMARINES NORTE- Sasalubong sa mga kunsomidores ng Camarines Norte Electric Cooperative ang bahagyang pagtaas ng bayarin sa kuryente ngayong Nobyembre matapos ang bahagyang pagbaba noong nakaraang buwan.
Bahagya kasing tumaas ang billing rates na babayaran para sa October 2021 billing kumpara noong September.
Ayon sa Canoreco, ang residential rate para sa October billing ay 10. 6519 per kwh kumpara sa 10. 5173 per kwh noong September 2021.
Ang low voltage rate ay 9. 6983 per kWh at ang high voltage rate naman ay 8. 1352 per kWh o bahagyang tumaas ng nasa 0. 1346 per kwh.
Paliwanag ng naturang kooperatiba ng kuryente na ang bahagyang pagtaas ay bunsod ng pagtaas ng generation charge na resulta naman ng pagtaas ng weighted average time of use ng Aboitiz Power Renewables Inc. (APRI)na dahil sa tuloy- tuloy na pagtaas ng new castle coal price index pati na rin ng foreign exchange rate para sa supply month noong nakaraang September 2021.
Tumaas rin umano ang transmission charge dahil sa mas mataas na average transmission rate ng National Grid Corporation of the Philippines.
May bahagyang pagtaas rin sa systems loss charge at ang generation rate adjustment mechanism incremental currency exchange rate adjustment o ang tinatawag na GRAM/ICERA.
Sa kabilang dako bumaba naman daw ang Value Added Tax o VAT at nanatili ang lifeline rate subsidy at ang senior citizens discount.
Bumaba rin ang effective rate mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa sapat na suplay ng kuryente sa Luzon power grid.
Ang Generation Charge ay nagbabago kada buwan dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.
