CAMARINES NORTE- Inihayag ng Commission on Elections na hindi ipapabalikat sa eskwelahan o sa mga gurong magsisilbing Electoral Board sa darating na halalan ang mga gagamitin sa loob ng presinto tulad ng thermal scanner at alcohol.
Ayon kay Election Officer III Virgilio Veras, dagdag problema pa ito sa mga miyembro ng EB kung sila pa ang maghahanap ng supply.
Tugon ito ni Veras makaraang matanong ng isang DepEd official sa isinagawang Demo ng Vote Counting Machine (VCM) kahapon sa bayan ng Basud, Camarines Norte kung sasagutin ba ng paaralan ang ilang mga gagamitin sa halalan.
Aniya ipapaalam na lamang ng Comelec kung ano ang magiging sistema sa supply ng mga gagamitin sa halalan pero tiyak umanong hindi naman ito ipapabalikat sa mga paaralan at guro.
Naging matagumpay naman ang isinagawang demo sa paggamit ng VCM bilang bahagi ng paghahanda sa May 2022 National and Local Elections.
Dinaluhan ang naturang aktibidad ng ilang kandidato at political parties, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) AFP, PNP, BFP at ilang kawani ng Lokal na Pamahalaan.
Pagkatapos ng demo ay nagkaroon ng testing kung paano ang tamang pagboto.
Layon ng aktibidad na ipakita sa publiko ang aktuwal na pagamit ng VCM at ang features and security upang ang mga botante, kandidato at iba pang election stakeholders ay maging panatag sa resulta ng botohan.
Wala namang naging aberya sa ginawang demo.
