CAMARINES NORTE – Hinikayat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga estudyanteng mangangailangan ng PSA certified birth certificate na dumulog sa mga Batch Request System (BREQS) stations na matatagpuan sa iba’t- ibang bayan sa Camarines Norte para hindi na gumastos ng malaki.
Ayon kay Isidro Parlan III, Registration Officer II ng PSA Provincial Office mayroon nang mga BREQS station sa lahat ng bayan maliban sa Mercedes.
Ang mga ito umano ay mayroong Memorandum of Agreement sa PSA para tumanggap ng request at mag proseso ng mga PSA documents tulad ng birth certificate upang hindi na kailanganing pumunta pa sa Naga, Legazpi maging sa Lucena.
Inaabot ng isa hanggang tatlong linggo ang pag proseso ng request ng mga dokumentong kailangan.
Kung nagmamadali naman ay pwedeng mag- register sa website ng PSA pero may kamahalan nga lang.
Hinimok rin ni Parlan ang mga eskwelahan na tanggapin ang mga birth certificate mula sa mga Local Civil Registrar kung hindi pa available ang PSA certified document.
Dagdag pa nito na posibleng sa Oktubre nitong taon ay magkaroon na rin ng Civil Registration System (CRS) outlet sa PSA Camarines Norte.
Sa sandaling maisakatuparan ito ay hindi na kakailanganing lumabas ng probinsiya ang mga taga Camarines Norte para kumuha ng mga PSA documents.
