Nagbago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagpapatayo ng mga pasugalan sa Isla ng Boracay, kung saan ay sinabi niya na kinakailangan ito para lumaki ang kita ng gobyerno.
Aminado ang Pangulo na taliwas ito sa mga dati niyang pahayag laban sa pagsusugal.
Ayon sa Punong Ehekutibo, kailangan nang buksan ang mga casino sa Boracay para mapatakbo ang gobyerno na nauubusan na ng pera sa gitna ng pandemya.

Matatandaan noong 2018 ay binatikos ng Pangulo ang mga opisyal ng Nayong Pilipino Foundation dahil sa pag-grant nito ng gambling franchise.
Noong July naman ay sinabi ng Pangulo na pabor siya na mapagkakitaan ng gobyerno ang Philippine Offshore Gaming Corporations (POGO) at casinos.