LEGAZPI CITY – Nagpapagaling na ang 12 sugatang pasahero ng isang commuter van matapos ang nangyaring railway accident nito lamang Sabado sa Brgy. Gapo, Daraga, Albay kung saan aksidenteng nabangga ng tren mula Sipocot, Camarines Sur ang nasabing sasakyan habang tumatawid sa riles.
Kwento ni Punong Barangay Hafer Mondragon sa Brigada News FM Legazpi, nangyari ito bandang alas kwatro ng hapon, maulan, at tungo sanang probinsya ng Sorsogon ang van mula sa Guinobatan sakay ang mga pasahero upang mag-outing, subalit posibleng hindi umano namalayan ng driver na dadaan na ang tren kaya’t dito na nagkaroon ng collision.
Ito rin umano ang kauna-unahang pagkakataon na nakapagtala sa lugar ng ganitong aksidente kung kailan pa nag-operate ang mga tren ng Philippine National Railways.
Sa ngayon, mayroon nang mga signage na makikita sa may riles na ininstall ng mga tauhan ng PNR.
Samantala, pag-uusapan pa nila sa barangay kung paano ang magiging sistema sa pagkakaroon ng magbabantay sa riles upang hindi na maulit pa ang nasabing aksidente.