BICOL—Kayang kaya pang umako ng mga COVID-19 patients ng karamihan sa mga ospital at pasilidad sa Bicol region.
Mababa pa kasi ang healthcare utilization rate sa rehiyon na umaabot lamang sa 36% o malayo pa sa kalahati.
Pero sa gitna nito ay muling pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) Bicol ang mga Bicolano na huwag magkampante at patuloy na sundin ang mga health protocol kasabay ng pagsuporta sa COVID-19 vaccination.
Base sa record, nasa kabuuang 1,090 hospital beds ang inilaan ng rehiyon para sa mga COVID-19 patients at wala pa sa kalahati nito ang nagagamit.
Nasa 30.5% ang okupado sa isolation beds, 26.3% sa COVID ward, 47.3% sa ICU habang 39.7% naman sa mga mechanical ventilators ang nagagamit.
Sa tatlong COVID-19 referral hospitals sa rehiyon gaya ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Albay, 23.3% ng 103 allocated beds ang okupado, 26.9% sa isolation beds, 8.1% sa COVID ward, 35% sa ICU at 44.4% ang nagamit sa mechanical ventilators.
Sa Bicol Medical Center (BMC) sa lungsod ng Naga, sa kabuuang 140 allocated beds, 45.7% ang okupado o katumbas ng 64 beds, 41.4% naman sa isolation beds, 33.4% sa COVID ward habang nasa high risk ang ICU beds na 80% nang okupado.
Nananatili naman sa low risk ang utilization rate sa Bicol Region General Hospital and Geriatric Medical Center kung saan 17.9% ng 67 bed allocation ang okupado, 10% sa isolation bed, 29.25% sa COVID ward at 33.3% sa ICU beds habang 25% ang nagagamit sa mechanical ventilators.### || slm
