LEGAZPI CITY – Tinatarget ng Department of Tourism (DOT) Bicol na maprayoridad ang mga bansa sa Asya para sa pagbubukas ng international flights sa Bicol International Airport (BIA).
Ayon kay DOT Bicol Regional Director Herbie Aguas, ang espisipikong bansa sa Asya na tinatarget ay ang China, Korea at Japan sapagkat ito kadalasan ay mas maraming turista.
Aniya, ang number 1 tourist arrival ng BIA ay ang mga Amerikano, sumunod ang mga Koreyano, Tsino at mga Hapon.
Yaman din lamang umano na mga Asyano ang mga ito, kaya sila na rin ang magiging target. Dagdag pa ng opisyal, sa ngayon ay positibo silang malapit nang magkaroon ng international flights sa BIA at umaasa rin silang sa susunod na taon ay mabubuksan na ito.
Hindi pa naman masabi ng opisyal ang tiyak na petsa, araw at oras ng pagbubukas nito dahil may mga inaayos pa sa ngayon katulad ng NGCP tower.