SORSOGON CITY – Pagmamay-ari umano ng rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) ang mga narekober ng pinagsanib na puwersa ng PNP at Phil. Army na mga bala sa Purok Dilis, Brgy San Rafael sa bayan ng Bulan, Sorsogon.
Ang nahukay ay mga bala para sa M16 rifle na aabot umano sa 695 na piraso.
Batay sa ulat, nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa mga armadong lalaki na naghuhukay sa isang lote sa nasabing lugar na tila may ibinabaon.
Agad na rumesponde ang puwersa ng Bulan Police katuwang ang; 2nd PMFC at 22nd Infantry Battalion, Phil. army. Inabot ng ilang minuto ang pagkakalot sa nasabing hukay.
Ito na ang pangalawang pagkakataon na nakahukay ang mga awtoridad ng mga gamit pang-opensiba ng mga rebelde sa nasabing bayan.
Una nang nahukay noong nakaraang buwan ang mga bomba at gamit pampasabog sa Brgy Dolos.
Pinasalamatan naman ng hanay ng PNP-Bicol ang mga concerned citizen na nakipag-ugnayan agad sa kanilang hanay na nagresulta sa pagkakadiskubre ng mga ibinaon na bala.
Maaari umano itong magamit ng hukbo sa kanilang pagkilos laban sa pamahalaan at inosenteng mamamayan.



