Lapu-Lapu City, CEBU— May kasabihang “sa hinaba-haba man ng relasyon, sa simbahan pa rin ang tuloy.”
Maaaring hindi lahat ay naranasan yan pero ang bagong kasal mula sa Lapu-Lapu City sa Cebu ay hindi lang tumuloy sa simbahan upang mag-isang dibdib.
Makaraan kase ang seremonya ng kanilang kasal, imbes na sa magarbong reception magtungo, ay pinili nilang dalhin ang kanilang mga bisita sa isang fast food sakanilang lugar.
Ito ang naging dahilan kung kaya’t nag viral sa social media ang wedding photos ng newlywed na kinilalang sina Rian Eran Baynosa at Rhaquesa Vicente Mosende.
Tubong Kitcharao sa Agusan del Norte ang dalawa at doon sana nila nais idaos ang kanilang kasal. Sa kasamaang palad dahil sa pandemya ay naipit silang dalawa sa Lapu-Lapu City kaya doon na lamang sila nagpakasal partikular sa Sto. Niño de Cebu Mactan Parish.
Aminado ang mag-asawa na kulang sila sa budget kaya naman ninais nilang maging praktikal at gawing simple lamang ang kanilang reception.
Bukod dito, hindi rin nakadalo ang mayorya sakanilang pamilya dahil sa travel restrictions at malaking halaga ng perang kakailanganin bunsod ng malayong biyahe.
Sakabila nito, natuloy pa rin ang pag-iisang dibdib nina Rian at Rhaquesa na dinaluhan ng kanilang mga kapitbahay at malalapit na kaibigan.
Bitbit ang buong entourage at iba pang mga bisita, tumuloy sila sa isang sikat kainan na kilala sa pagkakaroon ng chicken inasal at unli rice at doon sila masayang nagsalo-salo.
Umuwi namang busog at masaya ang kanilang bisita sakabila ng simple at payak na selebrasyon.
Sa pag-iisang dibdib, hindi naman mahalaga kung gaano kagarbo o karangya ang seremonya, ang mahalaga sa lahat ay ang tunay na pagmamahalan ng dalawang pusong pinag-isa.### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol
Photo Courtesy of: Babse Babsi Studios