Mabibigyan ng full military honors ang mga sundalo na kasama sa mga nasawi sa pagbagsak ng C-130 aircraft sa Patikul, Sulu nitong Linggo.
Ayon sa militar, bahagi ng 4th Infantry Division (4ID) training unit ng Malaybalay City, Bukidnon ang 50 baguhang sundalo na sakay ng nasabing eroplano.
Kabilang sila sa 149 na graduates ng six-month Basic Infantry Course sa 4ID Training Unit sa Camp Bahian.
Ayon kay 4ID spokesperson Major Rodolfo Cordero, karamihan ng mga sundalo ay mga lokal na residente sa Cagayan de Oro at Misamis Oriental.

Anya, lahat ng 149 na sundalo ay mga regular replacements at reinforcements para sa 11th Army Division, at noong umaga ng Linggo ay magkakasama silang lahat sa Lumbia Airport, Cagayan de Oro.
Lilipad sana silang lahat papuntang Jolo, Sulu para makarating sa 11th Army Division Headquarters.
Pero ayon kay Cordero, nasa 50 sundalo lamang ng 4ID ang nagkasya sa C-130 plane, habang ang natira naman ay naiwan sa paliparan para hintayin ang susunod na byahe.
Inihayag ng militar na umabot na sa 42 personnel na sakay ng C-130 ang nakumpirmang patay habang nasa 3 sibilyan naman na nasa ground ang nasawi mula sa pagbagsak ng eroplano sa Sitio Amman, sa Barangay Bangkal.
Patuloy naman ginagamot ang mahigit 40 na nakaligtas sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo, habang ang iba naman ay dinala sa Zamboanga para sa karagdagang treatment.