CAMARINES NORTE- Nakasama ang bayan ng Mercedes dito sa lalawigan ng Camarines Norte sa field validation ng Malinis at Masaganang Karagatan (MMK) program.
Ginawa ang validation noong October 28 base na rin sa mga dokumentong isinumite ng LGU.
Ang MMK ay isa sa banner programs ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na naglalayong bigyang pagkilala ang outstanding initiatives at contributions ng coastal municipalities and cities sa sustainable fisheries management.
Noong 2017, isa ang Mercedes sa awardee sa ilalim ng naturang programa.
Kapalit nito ang nasa dalawang milyong pisong halaga ng livelihood project.


Kaya naman noong August 2017 ay namahagi ng nasa mahigit isangdaang bangka ang lokal na pamahalaan bilang tulong kabuhayan sa mga mahihirap na mangingisda.
Maliban sa MMK ay awardee din sa boat registration ang naturang bayan na mayroon ding hiwalay na halaga ng livelihood project.
Kabilang sa mga tinitingnang criteria para manalo sa MMK program ay dapat walang illegal fishing sa lugar, pagsunod sa closed fishing season, pag establish ng marine protected areas, malinis na coastal waters at walang domestic at industrial wastes at pagkakaroon ng epektibong mangrove protection and rehabilitation programs.
Ang validating team ay binubuo ng iba’t- ibang ahensiya, tulad ng BFAR, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Coast Guard.
