CAMARINES NORTE- Dinagsa ang mga opisina ng Commission on Elections sa iba’t- ibang bayan sa Camarines Norte ng mga nagnanais magparehistro para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na nakatakda sa Disyembre nitong taon.
Sa bayan ng Basud, maaga pa lamang ay nakapila na ang mga magpaparehistro na karamihan ay mga kabataan na unang pagkakataon boboto.
Kahit tanghaling tapat at mataas ang sikat ng araw ay hindi alintana ng mga nakapila ang init ng panahon na tanging payong ang pananggalang.
Ilan sa mga kabataang nakausap ng Brigada News ay mahigit nang apat na oras na naghihintay para matawag ang pangalan.
Kaya naman kahit hapon na ay matiyaga pa rin ang mga itong naghihintay at ang iba nga raw sa kanila ay nalipasan na ng oras ng pagkain.
Ayon naman kay Election Officer III Annelyn Abanes, inaasahan na talaga ng Comelec ang pagdagsa ng mga magpaparehistro lalo na sa huling dalawang araw.
Higit daw sana itong marami kung hindi nagsagawa ng satellite registration sa mga barangay.
Mababatid na nagkaroon ng clustering ng mga barangay kung saan ang Comelec na ang dumayo para magsagawa ng satellite registration.
Ayon kay Abanes, uma- average sila ng hindi bababa sa 200 katao ang nairerehistro araw- araw kaya mas marami umano silang naserbisyuhan.
Sa bayan naman ng Daet ay mahaba pa rin ang pila at marami ang naghihintay kahit hapon na.
Ngayong Sabado, Hulyo 23 ang huling araw ng voter’s registration kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga nagnanais na magparehistro.
