Binigyang-diin ni AnaKalusugan Party-list Representative Ray Reyes na walang lugar sa Bagong Pilipinas ang tinaguriang “toxic politics” at ang dapat na gawing prayoridad ay ang pagpapaunlad ng bansa.
Reaksiyon ito ni Reyes sa binitawang pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi ito dadalo sa State of the Nation Address at itinatalaga nito ang sarili bilang “designated survivor”.
Ayon kay Reyes, seryoso ang usapin at mistulang iniintriga ang pambansang seguridad.
Bilang isang bansang naghahangad ng pagkakaisa at progreso ay hindi aniya masisikmura ang pagkakaroon ng “toxic politics” na sumisira sa tiwala at kooperasyon na kailangan tungo sa epektibong pamamahala.
Paliwanag ng kongresista, ang isinusulong ay isang political environment na may respeto, integridad at constructive dialogue.
Nakasalalay umano ang kaunlaran sa pagtutulung-tulong at pagbasura sa pagkakawatak-watak at mapanganib na pahayag.
Dagdag pa nito, ang kinabukasan ng bansa ay nakasalalay sa uri ng pamumulitika ng mga leader kaya ang tutok ay dapat nasa transparency, accountability at inclusive growth.