Pagdagsa ng mga Chinese sa umano’y pagawaan ng pekeng birth certificate sa Davao region, nais paimbestigahan ng ilang kongresista

Pinaiimbestigahan ng ilang kongresista ang nadiskubre ng National Bureau of Investigation na pagawaan ng pekeng birth certificate sa Davao del Sur na ginagamit umano ang mga Chinese para palabasin na sila’y Pilipino.

Ayon sa “young guns” sa Kamara na kinabibilangan nina Representatives Cheeno Almario, Jay Khonghun, Zia Alonto Adiong, Jil Bongalon, Paolo Ortega, Rodge Gutierrez at Inno Dy, nasa dalawandaang pekeng birth certificates ang inilabas ng NBI para sa Chinese Nationals mula sa local civil registry sa bayan ng Sta. Cruz.

Ipinaliwanag ni Almario na higit pa sa dokumento ang birth certificate dahil sinisimbolo nito ang koneksyon sa bansa at hindi rin ito marapat maipamigay nang basta-basta.

Read More:  Bantay Impeachment: avoid delaying tactics in VP Sara impeachment trial

Dahil dito, naniniwala ang kongresista na kailangan nang palakasin ang legislative framework upang masiguro na sumasailalim sa masusing verification processes ang pagkuha ng birth certificate.

Kabilang na rito ang mas pinaigting na kakayahan ng local civil registry, pagpapatupad ng checks and balances at pagpapataw ng parusa sa mapatutunayang nagkasala at nanguna sa panloloko sa publiko.

Nababahala rin si Khonghun sa posibilidad na may kaugnayan sa kriminal at sindikato ng ilegal na droga ang Chinese nationals na napagkalooban ng pekeng birth certificates.

Read More:  NSC reaffirms Batanes as an integral part of the Philippines

Maaaring natagpuan umano ng mga ito ang pinakamabilis na daan tungo sa pagkuha ng dokumento upang pagtakpan ang tunay na pagkakakilanlan at maipagpatuloy ang masasamang aktibidad sa bansa.

Punto ni Khonghun, marapat na magkasa ng imbestigasyon “in aid of legislation” ang Kamara ukol sa usapin upang maiwasan na maulit ang ganitong insidente kaya dapat na ipatawag ang mga tauhan ng local civil registry ng Sta. Cruz.