Mas maraming Pinay footballers, inaasahang magtutungo sa Japan sa 2022

Naniniwala ang coach ng national women’s football team ng Pilipinas na mas marami pang Pinay footballers ang magtutungo sa Japan sa mga darating na panahon.

Ipinunto ni coach Marlon Maro na naglalaro na sa top flight ng women’s football, na WE League ang dalawang Pinay na sina Sarina Bolden ng Chifure AS Alfen Saitama at Quinley Quezada ng United Chiba.

Ayon kay Maro, posibleng sumunod kina Bolden at Quezada ang iba pang Pinay footballers sa susunod na taon.

Sinabi ni Maro na may patakaran ang WE League sa bawat team na kailangan nilang kumuha ng Asyanong player at sa ngayon ay naghahanap sila ng mga Pilipina na pwedeng maglaro sa Japan.

Mababatid na meron 11 clubs ang WE League sa inaugural season nito, ngunit mas marami pang clubs ang inaasahang sasali sa pamamagitan ng promotion mula sa semi-professional Nadeshiko League.