New Zealand, gagamit ng vaccine certificates sa gitna ng patuloy na paglaganap ng Delta variant

Sisimulan na ng New Zealand ang paggamit ng COVID-19 vaccine certificates bilang pruweba ng kanilang inokulasyon sa mga malalaking events at iba pang high-risk settings sa susunod na buwan.

Ito ay sa gitna ng paglaban ng naturang bansa sa banta ng Delta variant.

Sinabi ni Prime Minister Jacinda Ardern, na ang certificates ang magtitiyak na hindi magiging superspreader events ang mga malalaking pagtitipon tulad ng music festivals.

Ipinunto ni Ardern na ginagawa na ito sa buong mundo.

Samantala, naitala naman ng New Zealand ang 24 na bagong kaso ng COVID-19, na dahilan para umangat ang kabuoang kaso nito mula sa kasalukuyang outbreak sa 1,381.