NAGA CITY – Umaasa ang lokal na pamahalaan ng Naga na mas dadami ang mga benepisaryo ng JobStart Program ngayong naipasa na ang ordinansang susuporta sa programang ito ng Department of Labor and Employment.
Ibinahagi sa Brigada News FM Naga ni Councilor Ghiel “Oying” Rosales, ang may akda ng nasabing ordinansa, na hindi na mahihirapan ang LGU sa implementasyon nito dahil dati ng mayroong JobStart Program, yun nga lang, limitado lamang sa sampung katao ang nagiging benepisaryo nito bawat taon kaya sa pamamagitan ng naipasang ordinansa, magbubukas ito ng mas maraming slots para sa mga residente ng lungsod na nag-eedad 18 hanggang 24 na taong gulang. Tumatanggap din ang nasabing programa ng mga high school graduate at out of school youth applicants.
Isa rin sa magiging tulong ng programa sa mga benepisaryo ang matuldukan ang job mismatch. Sinabi ng konsehal na isa ito sa mga nakikita niyang rason kung bakit hanggang ngayon, mataas pa rin ang underemployment rate sa lungsod.
Makakatanggap din ng allowance ang mga benepisaryo habang nasa training hanggang sa maregular sila sa pinasukang kompanya. Sa pamamagitan din nito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga fresh graduates na mabigyan ng work experience na siyang hinahanap sa bawat kompanya.