LEGAZPI CITY – Kasalukuyan pang pinaghahanap ng National Bureau of Investigation ang nasa 10 mga kalansay ng mga umano’y pinatay ng yumaong lider ng Conception Criminal Gang na si Gilbert Conception.
Kaugnay nito’y nahukay na rin ng NBI Legazpi, Special Action Force at Libon Municipal Police Station ang mga kalansay sa Brgy. Molosbolos ng nasabing bayan na halos tatlong taon nang pinaghahanap na pinaniniwalaang pinatay ni Gilbert noong Marso 15, 2021.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Atty. Jack Jack Jimenez ng NBI, sinabi nito na may nakakita sa pagpaslang sa mga biktima na siyang nagturo sa kinaroroonan ng mga bangkay at agad naman nilang pinuntahan. Nang marating ng mga otoridad ang lugar, agad silang nagsagawa ng paghuhukay, kung saan dalawa ang nahukay ng mga ito sa bangin na kinilalang sina Noel Castro, residente ng Bato, Camarines Sur at Ricky Satuito, residente ng Sitio Caratagan, Brgy. Macabugos, Libon.
Napag-alaman, bago pinaslang ang mga biktima, pinugutan ito ng ulo at itinapon sa bangin malapit sa communal garden. Ayon pa kay Jimenez ang mga biktima ay napagkamalan lamang na mga informant ng gobyerno.